This work was created with the support of the Fotomoto PH Artist Residency program, Circuit Makati and Ayala Land. Excerpts of this work were exhibited in Circuit Makati in October 2025 as a stamp rally! Short video documentation below put together by my sister, Nicki Dans. Below that is my artist’s statement.
Pahayag ng Manlilikha
May mga lumalago pa ba sa lungsod natin? Madalas ituring ang Metro Manila na salat sa likas na ganda, isang pangit na bukol sa leeg ng kapuluan. Tila hindi natural ang pag-usbong ng mga halaman dito dahil sinasakal at kinokontrol sila ng tao – tinatanim at hinahayaan lamang lumago kung saan natin gusto; pinapatanggal din kapag nakakaabala.
Dahil dito, ang pinakamahalagang kaugnay ng mga halaman sa Metro Manila ay ang mga tao. Nabubuhay sila ayon sa ating kagustuhan: naka paso sa balkonahe ng condo, sa bangketa kapag kailangan ng lilim, sa labas ng bahay kapag nilalaro ng mga bata. Bawat dahon at bulaklak na umuusbong dito ay sumasalamin sa ating pangangailangan, aesthetics, at pag-aaruga – luntiang
buhay na hinuhubog hindi lamang ng araw at ulan, kundi rin ng ating mga gawi.
Una kong nakalaro ang mga halaman sa aking pagkabata. Habang naghihintay ng sundo pinupunit ko ang mga dahon sa grotto, gumagawa ng mga pulseras na santan habang sinisipsip ang kanyang katas, humihipan nang bula gamit ang durog na gumamela, o nagtitimpla ng mga gayuma kasama ang aking mga pinsan. Sa paglikha ng mga larawan sa seryeng ito, pumulot ako ng mga bulaklak at dahon at nilaro sila muli, sa mga paraan na makikilala ng kahit sinong lumaki sa Manila. Sa pagtanda, bihira na natin kalaruin ang mga halaman, pero napakahalagang maalala pa rin natin sila kung gusto nating panatilihin ang uunting luntian dito sa kulay-abo na lungsod.
Ang likhang ito ay paanyaya na makipaglaro, tulad din ng paanyaya ng mga bulaklak noong bata tayo.
Metro Manila, 2025























